`ANG MUSIKA AY PAG-AARI NG LAHAT..., HINDI LAMANG NG MATATAAS...’

Pakikipanayam kay EDRU ABRAHAM

ni Ruben D. CANLAS JR.

 

Tubong-Tuguegarao, si Pedro R. Abraham Jr., o Edru, ay nagkainteres sa musika nang sumali siya sa koro ng simbahang Metodista. Speech and Drama ang tinapos niya sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Mayroon din siyang M.A. sa Art History. Napadpad siya sa Indonesia kung saan nakapag-aral siya sa Padepokan Seni Bagong Kussudiarja. Sa London naman ay sumama sa International Human Rights Internship Program. Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa Departamento ng Art Studies (dating Humanities) sa U.P. Noong

Enero, narinig ang ilang mga likhang himig ni Edru sa Dalawang Makata, Dalawang Musikero Isang Konsiyerto. Makailang ulit na naimbitang magpalabas sa iba't ibang okasyon ang grupo. Si Edru rin ang naglapat ng tunog sa pagsasa­entablado ng Isang Dulang Panaginip ni August Strindberg nitong nakaraang Agosto. Maraming pinuri sa produksiyong ito, kasama na ang musika ni Edru. Matapos ito, binuo niya ang Kontemporaryong Gamelang Pilipino, mula sa mga estudyanteng wala o konti lamang ang karanasan sa pagtugtog.

Q
A

 

Ano ang depinisyon ninyo ng musikang Pilipino?

Dalawang usapin iyan. Una, ang malawak na depinisyon ay :yong lahat ng musikang ginagawa ng Pilipino at tinatangkilik ng Pilipino. Halimbawa, sa larangan ng popular music, ang mga komposisyon nina George Canseco at Heber Bartolome. Nandiyan din ang musikang katutubo. Ito ang malawakang depinisyon ng musikang Pilipino: lahat ng musikang tinatangkilik ng mga Pilipino na bunga ng kanilang ka­ranasan, malting ito'y katutubo o makabagong komposisyon na ginagawa ng mga eksperto sa musika. Ngunit, sa ikalawang usapin, kung hahanap tayo ng isang uri ng musikang identifiably Pilipino, katulad ng sinasabi nating "Spanish music" or "Japanese music", sa panahong ito ay bumubuo pa lamang ng mga elementong magiging clearly identifiable na Pilipino music. Ang ibig kong sabihin, dahil ang kamalayang Pilipino ay humigit-kumulang isandaang taon pa lamang kung ihahambing natin, halimbawa, sa mga Intsik na libong taon na ang kabihasnan, hinuhubog pa lamang natin ang ating musika.

Q
A

 

Sa partikular, ano ang mga elementong humuhubog sa musikang Pilipino?

Ang una, ang musikang kinagis­nan na ng karaniwang Pilipi­nong nasa kapatagan. Napakaraming musika niyan. Meron din namang mga musika na karaniwang hindi natin kinakategorya dito sa grupong ito, katulad ng sa Cordillera, sa mga Muslim, sa gitnang Mindanao at sa Panay, sa Palawan, sa Mindoro, ang musika ng mga tribong nandoon. Mayroong musika tungkol sa trabaho, sa kanilang mga pananampalataya, sa kanilang pagmamahalan. Iba't ibang uri ng musika, iba't ibang estilo.

Bukod pa riyan, dahil bukas naman tayo sa mga impluwensiyang galing sa labas [ng Q bansa], maraming pumasok na ideyang moderno. Samakatwid, nariyan ang musikang tradisyonal at ang musika ng tribu. Hindi rin dapat maging sarado sa pagpasok ng kung anumang ideyang galing sa labas.

Q
A

 

Nabanggit ninyo na ang musika ay nagmumula sa mga karana­san ng Pilipino. Aling mga karanasan ang tinatalakay ng musika?

Ang karanasan ng Pilipino ay may dalawang malalaking kate­gorya batay sa kanyang karanasan sa pamumuhay sa kanyang kapaligiran. Marami tayong awit at musikang tugon sa kalikasan. Halimbawa, tungkol sa mga ibon, gubat, mga diyos. Mayroon din tayong mga musika tungkol sa hirap ng buhay at tungkol din sa kabutihan ng buhay. Iyan ang dalawang malalaking kategorya: mga awit tungkol sa karanasan ng tao bilang isang bahagi ng kalikasan, at mga awit tungkol sa karanasan ng tao bilang bahagi naman ng lipunan. Halimbawa ng mga awit na nasa ikalawang kategorya: iyong relasyon ng babae sa lalaki, ng magkakaibigan, ng tao sa diyos, o iyong pag-usisa o pag­analisa sa mga pangyayari, kung bakit mayroon bagang mga uri ng tao na nagmamalupit sa kapwa tao, kung bakit gayong mayaman ang Pilipinas, ay mayroong mga naghahari at may nagkokontrol ng ekonomya at kayamanan at pulitika samantalang iyong iba naman ay dukha. Binibigyan din ng halaga ng musika ang mga kahalagahan, katulad ng pagiging makatao, pagiging makabansa, pagiging maka­Diyos. Kaya lang, may mga paksa na kung minsan ay sobra-sobra na. Katulad ng mga usaping romantiko, halos lahat ng record na lumalabas dito sa popular music ay iyo't iyon din ang topic. Kapag ganyan nang ganyan, nagiging kasangkapan ang musika sa pagtakas sa katotohanang umiiral sa ating lipunan. Kailangan din naman tayong tumakas paminsan-minsan ngunit kung pagtakas palagi ang ating ginagawa sa pamamagitan ng sining, palagay ko ay binabawasan natin ang bisa ng sining sa ating buhay.

Q
A

 

Para sa inyo, ano ang tungkuling kailangang gampanan ng mu­sika sa ating buhay?

Una, ang musika ay nagbibigay ng aliw, totoo naman. Ikalawa, ang musika ay nagpapalalim ng ating damdamin. Ikatlo, nagpapalalim ng ating pag­unawa sa ating katauhan bilang mga tao, bilang mga Pilipino. At ang ikaapat, ang musika ay dapat mag­provoke, dapat mag-udyok sa atin upang mag-isip at tuluyan nating maramdaman ang mga bagay-bagay na kailangan nating tugunan sa ating lipunan na karaniwang iniiwasan natin ngunit kailangang harapin dahil nandiyan at mayroon tayong responsibilidad. Hindi lang para sa ating sarili ito, kundi sa karamihan ng ating kababayan sa Pilipinas, katulad nitong mga usapin ng karalitaan ng karamihan ng ating kababayan. So, lahat iyan, para sa akin, ay kailangang gampanan ng musika.

Q
A

 

Sa palagay ninyo, natutu­gunan ba ito ng kasa­lukuyang kalagayan ng musikang Pilipino?

Natutugunan, ngunit dito sa musika bilang pag-aanalisa at pagbibigay kritisismo sa nangyayari sa lipunan at sa pagturo sa mga landas na maari nating kunin, iilan pa lang ang Pilipinong na-expose diyan. Dumami-dami na nga nitong dekada otsenta at lalong lumawak pa itong tinatawag nating democratic space pati na sa musika, sa exposure nating lahat sa musika mula noong rebolusyon. Ngunit ikumpara mo na lang kung ilang beses kang nakarinig, halimbawa, ng karaniwang romantic music na Pilipino at kung ilang beses naririnig ang mga komposisyon ni Joey Ayala sa radyo.

Q
A

 

Bukod sa inyong dalawa ni Joey Q Ayala, sino pa ang nagbibigay ng kritisismo ng lipunan?

Well, nandiyan ang Inang Laya, si Susan Fernandez - Magno, sina Gary Granada, iyong Asin. Pati na rin si Freddie Aguilar, to some extent. Kung minsan may kababawan nga lang ang analisis ni Freddie Aguilar, pero dahil popular siya, marami siyang naaabot. At tama rin naman `yang balita niya tungkol sa kalikasan, iyong mga temang ganyan na karaniwan ay hindi mo maririnig.

Q
A

 

Ito ba ang tinatawag na alter­natibong musika?

 

Oo, ang tawag ko diyan ay al­ternatibong musikang maka­bago ng Pilipinas, AMMP. Ang alternatibo sa usaping ito ay iyong mga paksang hindi tinutukoy ng karaniwang musika, ng popular music. Ang isa pa, dito sa alternatibong musika, puwede ang musikang puro himig lang, walang titik, walang lyrics. Alternatibo [rin ito] sa karaniwang naririnig sa disco. Kailangang linawin na ang karaniwang tingin ng tao sa "musika" ay "kanta". Ang tunay diyan, pinagsanib ang titik at saka ang musika sa kanta.

Q
A

 

Bakit hindi kinikilingan ng ka­salukuyang sistema ng midya ang ganitong klaseng musika?

Hindi kinikilingan iyan ng sistema ng broadcaating sa atin dahil, unang-una, iilang producer lang ang gustong gumawa ng recording dahil masyadong mahal. Mayroon na ngang ginawa katulad ng nangyari sa Inang Laya. Ngunit kung pipili ka sa paggawa ng isang [album ni] Joey Ayala na umaabot ng dalawang daang libong piso ang kailangan, at sa pagkuha kay Whitney Houston na babayaran mo lamang ng sampung libong piso bilang royalty, sinong pipiliin mo kung kita lang ang pag-uusapan? Negosyo yan, e di natural kanta ni Whitney Houston ngayon ang ipo promote mo sa radio program. Magbabayad ka ng payola. May tinatawag silang Top Forty format e. Karamihan ng mga radio program ay kailangan [sundin] kung ano ang Top Forty. E hindi naman ganyan si Joey Ayala. Papaano ka pa makakalusot sa radyo? Merong isang executive order si Pangulong Corazon Aquino na dapat daw bawat oras apat na musikang Pilipino ang kailangang tugtugin [sa radyo]. Sasabihin naman sa iyo ni G. Alcuaz ng National Telecommunications Commission na walang taong taga-monitor; normal so, hindi nasusunod. Kaya talagang kinakawawa. Ganunpaman, dahil nga may collective consciousness na umiiral, naghahanap ang tao ng alternatibo. Bigyan mo sila ng pagkakataong makarinig ng ganito, more often than not bukas naman ang kanilang isip.

Hindi naihihiwalay itong sinabi ko sa malawakang sistemang pampulitika at pang-ekonomya rin, na ang may kontrol ng recording industry ay sila rin ang may kontrol ng ekonomya. Kung naglalaban man sila ay sa itaas naglalaban. Ganyan ang naging problema. May kaugnayan ito sa sistema ng ekonomya at pulitika.

Ang may kontrol ng ekonomya at pulitika ay iisang uri ng tao na ang pinapalaganap ay iyong tutugon sa kanilang interes. E kung ang kanilang interes ay tubo, papaano pa makakalusot itong mga nararapat na musika na walang pagkakataong marinig ng karamihan sa ating kababayan?

Q
A

 

Ano ang nangyayari sa sinong ng musika sa ganitong sistema?

Masining din naman ang ipina­papasok nilang musika. Katulad ng musika ni Michael Jackson. Kaya lang, kung puro tipong Jackson na lang ang maririnig ng kabataan, iyong Pilipino singer Jackson pa rin ang gagayahin. Napakaraming klase ng American music: classics nina Copland, ang jazz. Pero ang naririnig mo lang, Jackson... Ang totoo niyan, ang pinakamagagandang himig ay bunga ng karanasan ng tao, ng kanilang paghihirap doon sa ibaba.

Maraming pangyayari sa ating lipunan na kailangang tugunan nang madalian. Kaya para sa akin mas importante ngayon ang Inang Laya kaysa kay Regine Velasquez. Ang sinasabi ni Regine, okey nga sa kabataan, pero parang aliwan lang iyan. Sinasabi ng alternatibong musika, "Hoy, gumising ka na!" Meron ngang ginawa si Heber Bartolome: nasugatan ka na nga dahil sa awareness mo sa pangyayari, lagyan mo pa ng kalamansi para talagang magising ka na nang husto at gumalaw na. Marami ang tulog, maraming nagtutulug-tulugan pa.

Q
A

 

Kumusta naman ang kalagayan ng AMMP at ang pagpapalaga­nap ng alternatibong musika?

Naniniwala ako na ang tao'y naghahanap din ng alternatibo. Kung minsan, hindi nila alam na may alternatibo. Parang bata iyan, kung minsan hindi niya alam iyan. Bigyan mo siya ng karanasan, sasabihin niya, "Ay! Ang ganda pala nito." Pagkakataon lang iyan. Kapag nagising mo na sila sa bagay na iyan hahanap-hanapin na iyan. Well, ibibigay kong halimbawa ang Inang Laya: bago 1986 ay hindi puwedeng pumasok iyan sa recording industry at sasabihing treason, sasabihing komunista ka, insurgent, dahil kumakanta ka ng ganyang klaseng musika. After 1988, nakadalawang album na sila. Kung dalawang album, kumita yung unang album. So meron din palang audience. Ibig sabihin, hangga't maaari, pasiglahin, katulad ng ginagawa ng CCP [Cultural Center of the Philippines], at palawakin ang oportunidad na marinig ng tao ang ganitong klase ng musika na hindi pa nila masyadong kilala.

Q
A

 

Ano naman ang ginagawa ninyo para mapalaganap ang alternatibong musika?

Nitong Enero 26, nagkaroon na kami ng konsiyerto na ang pamagat ay Dalawang Makata, Dalawang Musikero, Isang Konsiyerto. Ang dalawang makata ay sina Domingo Landicho at Ed Maranan. Ang dalawang musiko naman ay si Lester Demetillo, director ng U.P. Guitar Ensemble, at ako. Nilapatan namin ng musika ang mga tula [nina Landicho at Maranan]. Bumigkas din ng kanilang tula ang mga makata. Maraming mahahalagang bagay ang sinusulat ng ating mga makata. Sabi ko, kung lapatan ng musika ang mga ito, mas malawak ang maaring abutin. Masaya naman kami dahil mahusay ang pagtanggap ng audience.

Q
A

 

Anong mga estilo ng musika ang ginamit sa konsiyertong ito?

Bukod sa mga estilo ng mu­sikang alam na ng mga tao, gumamit kami ng mga estilong katutubo sa makabagong paraan. Halimbawa, iyong kundiman. Hindi sa estilo ni Santiago o ni Abelardo, ngunit sa estilong angkop sa mga krisis nitong kasalukuyan. Ganoon din ang ginawa ni Lester. Ang mga pormang ginamit ko halimbawa ay balse, polka, may maskota na galing sa Cagayan, merong mga balitaw. Gumamit din naman ako ng blues, meron pa akong rap -- para huwag namang sabihin na alienated kami sa karaniwang naririnig ng mga kabataan. Bukas ako sa lahat ng bagay na iyan basta't makarating sa tao.

Q
A

 

Ano naman itong tinatawag ninyong Kontra-Gapi?

Nitong mga nakaraang linggo nagtatag ako ng ibang grupo na kung tawagin ay Kontemporaryong Gamelang Pilipino. Ang gamelan ay pangkat ng musika sa Timog Sila­ngang Asya na binubuo ng mga gong, mga agung na malalaki, mga tambol, kung minsan may kutyapi (stringed instrument), may mga plawtang iba't ibang uri. Kung tawagin ang orkestrang iyan ay gamelan. "Kontemporaryo" dahil makabago, "gamelan" dahil meron din tayong tradisyon ng gamelan dito mula sa mga kapatid na Muslim sa Mindanao, at saka "Pilipino" dahil Pilipino ang gumagamit ng mga kasangkapang ito sa paglikha ng bagong musika. Ang tawag ko dito, Kontra-Gapi.

Q
A

 

Ano naman ang mga layunin o prinsipyong napapaloob sa Kontra-Gapi?

Karaniwan, may isang taong gumagawa ng musika na kung magustuhan ng isang tao ay gagayahin na lang. Wala na iyong creativity ng tao na napalitaw sana kung sila mismo ang gagawa ng kanilang musika o katulong sila sa paggawa nito. Hiwalay ang tagalikha sa taga-interpreta ng musika. Lilikhain ni George Canseco, kakantahin ni Kuh Ledesma. Ang iniisip ko, aba, bakit ganito? Malupit ito dahil ang pagkamalikhain ng tao ay nawawala.

Iba sa tradisyon ng gamelan. Iyong lider o guro ay magbibigay lang ng malawak na alituntunin: "Ganito ang gagawin natin. Ganito ang ating ritmo, ganito tayo kabagal, ganito tayo kalakas, ganito kahina, okey?" At kung anu-ano pa ang sasabihin niya sa iyo. Pagkatapos niyang sabihin iyon, malaya ka nang gumawa ng kahit anong gusto mo. Therefore, strictly speaking, hindi iyong lider ang composer. Parang siya lang ang giya. Hindi ba ganyan ang nangyayari sa komunidad at sa pamilya? Ang maganda sa prinsipyo ng Kontra-Gapi ay hindi mo sasabihing, "Sori na lang, ha? Wala kang masyadong alam sa musika. Makinig ka na lang muna." Kahit ang alam mo lang ay magpukpok sa isang bagay paminsan-minsan, tatanggapin ka na muna. Sa kapupukpok mo, matututo ka rin sa mga iba't ibang uri ng instrumento hanggang sa iyong pinaka-sophisticated sa lahat matututunan mo rin, katulad ng mga kulintang, mahirap-hirap na iyan. Tatanggapin mo sa pangkat ang sinuman, basta't may interes iyong tao at may disiplina.

Ngayon, hindi ka makakatugtog sa banda o sa orchestra kung hindi ka eksperto; hindi ka pakakantahin kung hindi ka eksperto. Bakit ganon? Akala ko ba ang musika ay sa tao? Bakit hindi ka puwedeng gumawa ng sariling tunog? Kung gagawa ka rin lang ng musika, di gumawa na tayong lahat ng musika.

Karaniwan sa konsiyerto, anong nangyayari? May mga taong nano­nood lang and they are not active and creative. Natutuwa sila pero hanggang panonood lang sila. Iba yung tumutugtog, iba yung nanunuod. Dito sa aming prinsipyo, ang buong komunidad, ang lahat ng tao sa paligid ay kapwa manlilikha ng musika sa komunidad. Maliwanag na mayroon ding sociological at psychological, bukod sa political, na implikasyon itong aking sinasabi. Bigyan mo ng kapangyarihan ang tao, empowerment ika nga, and let them be creative from the grassroots. It is not empowering to create music for them so that they can imitate it. It is more empowering to make them set the circumstances by which they themselves can co-create in a process of community.

Q
A

 

Bale binabalik niyo ang musika sa tao?

Oo. Iyon na nga ang ibig n sabihin ng Kontra-Gapi. Binabalik ko ang musika sa tao para sila'y kasama sa paglikha. Gusto ko ring buksan ang kaisipan ng ating mga kababayan na maraming-marami pang estilo ng musika na puwede nilang pakinggan na kasing-tanyag din, kasing-tayog at kasing-husay ng sa Kanluran, na hindi naman kailangang isipin na ang mahuhusay na musika ay yaong galing lang sa Kanluran. At isa pa, ang musika ay pag-aari ng lahat at hindi lamang dapat magmula doon sa mga inaa­kalang matataas sa larangan ng ekonomya o pulitika. Dahil nga ito ay pag-aari ng lahat, dapat makikina­bang din sa paggawa ng musika ang mga taong nasa ibaba ng lipunan.

Itong Kontemporaryong Gamelang Pilipino ay adhoc lang noong una. Wala naman akong intensiyong magtatag niyan. Nagsimula lang ang grupong ito para sa musika ng Isang Dulang Panaginip. May nagsabi, sayang kung buwagin ko iyong grupo dahil lang tapos na ang palabas. Ang unang encouragement para sa amin ay maraming natuwa dahil kakaibang pananaw sa kultura ito. Nakikita nila kung paano nagiging buhay ang kultura sa pamamagitan ng pananaw na ang musika ay para sa tao, at ang tao ang gumagawa ng musika. Iyon ang tinatawag ni John Bloching na "Music is soundly organized humanity or humanly organized sound."

Marami na kaming imbitasyong tumugtog sa ganito't ganoong okasyon. Iyong una naming palabas na kami-kami lang ay doon sa Heritage [Art Center]. Maraming mga artistang nanood doon na talagang dalubhasa at marunong. Sabi nila sa akin, "Sige, ipagpatuloy mo iyan." Naeengganyo naman kami na ipagpatuloy. Palagay ko ang pinakamataas na papuring natanggap namin ay doon sa isang bata sa UPIS, noong kami'y tumugtog. Ang sabi niya sa akin, "Sir, puwede ba akong sumama sa grupo ninyo? Kasi wala akong alam sa musika, pero gusto kong maging musician din, katulad ninyo."

Q
A

 

Ano kaya ang hinaharap na nakikita ninyo para sa musika sa Pilipnas?

Ang musika ay dapat gamitin bilang sangkap ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kung masasabi kong gusto ko ang musikang ito, na musika ko ito, at habang sinasabi mo iyan, iyong taga-Batanes, taga-Tawi­Tawi, taga-Palawan at Samar ganyan din ang sinasabi, magkakaroon ka na ngayon ng pambansang kultura na sinasagisag ng musikang iyan. Pagkatapos noon, puwede mo nang ipamahagi iyan sa buong mundo dahil may tiwala kang ang musika mo ay bahagi ng karanasan ng iyong lipi na hindi mo kailangang ikahiya. At ipagmamalaki pa nga.

Galing sa Kultura: A Quarterly Forum for Artist, Critic and Audience, vol. 2, no.3, 1989, pp. 50-56.